v Maling paganunsyo

Tuesday, March 18, 2008

Introduksyon ukol sa Pag-aanunsyo

Ang pag-aanunsyo ng produkto ay ang pagpapakilala, pagbebenta o tuwirang pag-aalok ng mga produkto, paglilingkod, tao, lathalain, pelikula at iba pa. Ito ay sa pamamagitan ng tulong ng telebisyon, radyo, magasin, flier o pampleto, dyaryo, streamer at iba pang modernong mga pamamaraan. Nakakatulong ang pag-aanunsyo ng produkto sa pagtaas ng negosyo dahil sa paghikayat ng mga tao sa produkto.
Sa panahon ngayon na umuusbong ang teknolohiya, halos sa telebisyon makikita ang mga anunsyo. Iba’t-ibang paraan ng pagkwekwento o paglalahad ng kanilang produkto sa masa. Ito ay batay sa magandang kuwento, sa pagkamalikhain, interesante, at nakakaaliw panuorin na anunsyo. Halos mga anunsyo sa telebisyon ang makikita at ito ay binibigyan ng maraming minuto kaysa sa mga pangunahing palabas ng estasyon.
Ang mga anunsyong makikita sa telebisyon ay naging matagumpay sa paghimok sa mga tao na bumili ng kani-kanilang mga produkto.


Teoryang Feminismo

Ang teoryang feminismo ay may layunin ng panitikan na magpakilala ng mga kalakasan at kakayahang pambabae at iangat ang pagtingin ng lipunan sa mga kababaihan. Madaling matukoy kung ang isang panitikan o gawa ay feminismo sapagkat babae o sagisag babae ang pangunahing tauhan ay ipimayagpag ang mabubuti at magagandang katangian ng tauhan.



Introduksyon sa aming Paksa

Sa patuloy ng pagbunga ng mga bagong ideya ng pag-aanunsyo, hindi maiiwasan magkaroon ng iba’t ibang interpretasyon ang mga tao dito. Ang kakayahan ng mga gumagawa ng mga anunsyo ay talagang maabilidad dahil sa kanilang mga nasasaisip na ideya; ngunit may ibang mga anunsyo na ginawa at nagbunsod ng diskriminasyon sa iba’t-ibang klaseng tao. Hindi naman nahahalata na ang mga anunsyong may dalawang kahulugan ay naipapalabas sa telebsiyon.

Malawak ang pag-iisip ng mga tao sa Pilipinas. Alam ng mga Pilipino kung nakakasama at nakainsulto na ang mga nakikita nila sa telebisyon. Hindi man sinasadya ng mga gumagawa ng anunsyo na magkaroon ng pangit na mensahe sa loob nito tuluyan pa din hindi nasususnod ang “Code of Ethics”. Halimbawa ay ang mga nakakabastos na anunsyong nagbebenta ng condoms at iba pa.

Marami pa rin sa mga Pilipino ang sensitibo, konserbatibo at marahil hindi pa handa sa mabilis na panahon ngayon. Ang pagpili ng paksang ito ay naudyok sa kadahilanan na hindi na maganda ang naipapakita ng papel ng kababaihan sa mga anunsyo sa telebisyon.

Sa pag-aaral na ito ay sinusuri ang mga epekto ng mga anunsyo sa mga kababaihan pati na rin sa madla. Makakamit ang mga resulta na ito sa pamamagitan ng pagsusuri ng mga anunsyo sa telebisyon mula sa taong 2007-2008, maliban sa isang sa isang produkto na naglabas na hindi makakalimutan ng lahat noong 2004. Sampung(10) halimabawa ang ipapakita upang masusestuhan ang pagaaral na ito. Ito ay susuriin batay sa mga pangunahing tanong na nararapat para malikom ang tamang datos. Ang obserbasyon na gagawin upang makilatis ang mga anunsyong nakakapangbaba sa mga babae. Ang pag-aaral na ito ay magpapakita ng mga ebidensya sa pagkakaintindi at paglinaw ng mga sinasabing anunsyo.

Ang pag-aaral na ito ay may tuwirang kinalaman sa isang matagal na paghimok sa mga babae simula pa noong unang panahon. Sa isang libro na Sekwal na Kalusugan, may isang akda na “Papel o Tungkulin Batay sa Kasarian o Gender” ay nagsasaad na masyanodng “stereotypical” ang paghahati ng tungkulin ng babae at lalaki. Dapat ay may patas na pagtingin ng dalawang kasarian, hindi diskriminasyon ang ihimok.

Sa “Code of Ethics” ukol sa pag-aanunsyo, isinasaad na ang pag-aanunsyo ay hindi maaring magdulot ng nakakabahala o naglipanang paghamak laban sa pangkalahatang pagtanggap sa moralidad, lipunan or pangkalinangan batayan o makapag-insulto sa sensitibong madla.

Ang pag-aaral na ito ay sisikaping sagutan ang mga sumusunod na katanungan :
1. Ano ang mga anunsyo na mayroong di-kanais-nais na papel ang mga babae na nakakababa ng kanilang puri sa lipunan?
2. Ano ang mga epekto nito sa kababaihan o sa madla na nakakanuod ng mga anunsyong ito?
3. Ano ang maling pananaw ayon sa teoryang feminismo?
4. At kung bakit ganito na lang ang kinagisnan ng pagkakilala sa mga babae?

Ang layunin ng pag-aaral na ito ay:
1. Upang maipahayag ang aming pananaw ukol sa mg anunsyo sa telebisyon na nagpapakita o gumagamit ng kababaihan upang gumanap sa isang hindi katanggap-tangap o kaayang-ayang papel.
2. Makapagbigay ng isang katibayan sa lipunan na mayroong hindi magandang naipapakita sa mga anunsyong ito sa telebisyon sa paggamit ng babae sa paggananp ng karakter na iyon.
3. Ipakita na ang mga maling konseption sa mga babae ay hindi totoo.

Katawan ng Pananaliksik

1. Produkto: Skin white deodorant TV commercial
Ang anunsyong ito ay may magkasintahan na nag-uusap sa parke. Nag-uusap sila tungkol ano ang gusto ng lalaki sa kanyang kasintahang babae. At nang itaas ng babae ang kanyan kamay, nagulat ang lalaki sa kanyang nakita. Maitim ang kili-kili ng babae. Napatakbo ang lalaki.
Isinasaad ng anunsyong ito na parang ang babae lang ang may maitim na kili-kili. Para sa babae lamang ang kanilang produkto pero pwede din naman na magkaroon para sa lalaki. Masyadong nilalait naman ng lalaki ang itsura ng kili-kili ng babae. Maari pa naman ito mabago.





2. Produkto: Bingo eyeball commercial
Ang anunsyong ito ay nagsimula sa isang lalaki na nakikipag-chat sa isang babae. Gusto ng lalaki makilala ang babaeng iyon at magkikita sila sa isang mall. Para makilala nila ang isa’t isa magsusuot ang babae ng “Pink” na damit habang ang lalaki ay magdadala ng Bingo na biskuwit.
Nang nasa mall na sila at naghihinaty ang lalaki na may dalang Bingo. Nang may parating na babae na mataba na naka pink, ibinigay ng lalaki ang Bingo sa katabi niya. Ngunit nagkamali siya at may dumating na seksing babae na naka-pink at nag lumapit sa katabi ng lalaki ay napatunayan na siya nga ang babaeng ka-chat niya.
Hindi maganda ang ipinapakita ng anunsyong ito dahil tila nilalait ng lalaki ang matabang babae. Hindi naman makikita ang kagandahan sa panlabas na itsura, makikita naman din ito sa kanyang personalidad. Pinakita dito sa komersyal na ito na tila ang basehan lang ng mga lalaki ay ang panlabas na anyo.




3. Produkto: Rexona
Ipinakita sa komersyal na ito ang pagkakaroon ng hindi kanais-nais na amoy ng babae, at grabeng pagpapawis ng kili-kili nito na naging sanhi upang ma-turn off ang lalaki. Tila ibig ipahiwatig sa komersyal na ito na ang mga babae ang may malaking tyansa na magkaroon ng mga ganitong bagay ay ang mga kababaihan lamang.

Sa kabilang banda, ang pagpapawis naman ay isang normal na bagay sa lahat ng tao ngunit sa komersyal na ito’y tila isang malaking kasalanan ang pagpapawis.




4. Produkto: Talk n Text

Ang komersyal na ito ay ngapapakita ng isang babaeng buntis na tawag ng tawag sa kanyang mister dahil magpapabili siya ng prutas para sa kanyang paglilihi. Ngunit tila maling konseptong tungkol sa mga kababaehan dahil nalalahad sa komersyal na ito ang kaisipian na kaya amang sinusunod ng lalake ang asawa ay dahil buntis ito at naglilihi. Ibig sabihin, kailangan pa ba magbuntis ang babae para lamang makahingi ng isang pabor sa kanyang mister?
Hindi ito makatarungnan dahil tila hindi pantay ang karapatan ng mga kababaehan at kalalakihan.



5.Produkto: Speed

Makikita naman sa komersyal na ito ang isang lalake ng umaakyat sa isang bundok ng labahin at sa tuktok nito ay isang babae na naglalaba. Ang nagiging tingin sa kababaihan na hindi man napapansin ng karamihan ay ang mga ganitong klaseng trabaho ay dapat sa mga babae. Na dapat pagsilibihan nila ang mga lalaki kahit ano ang magyare.

Naipaparating din sa pamamagitan ng komersyal na ito ang maling papel ng mga babae sa lipunan. Na dapat ay sa bahay lamang habang ang mga lalaki ang kumikita para matustusan ang kanilang pamumuhay.

Ang isa pang maaring maging epekto nito ay ang maaring pagmamalabis ng mga lalaki sa kanilang mga katuwang dahil sa hindi napapansin na epekto ng komersyal na ito sa kanilang pakikitungo sa mga ito. Hindi man pansin, ngunit kanila na itong naii-apply sa kanilang mga gawi sa araw-araw na nagiging sanhi ng pagbaba ng tingin sa mga kababaihan.

6. Produkto:Pepsi

Sa komersyal na ito ay kasali ang isang sikat na banda na bamboo, pinipakita dito na ang grupo nila ay nasiraan katabi ng grupo ng kababaihan na nasiraan din ng sasakyan. Ang isang lalaking bumabaybay sa kaparehong daanan ay dumating at tila naguguluhan kung sino ba ang kanyang pipiliin tulungan sa dalawang grupo.

Ang grupo ng sikat na banda ay nagpakita ng isang “cooler” na puno ng pepsi at ang mga babae naman ay medyo lumapit at tila nagmakaawa sa lalaking nagdadrive. Ang lalaki ngayon ay naguluhan kung sino ang pipiliin.

Dito na nagpapakita ng maling analohiya, dahil bakit ipagkukumpara ang dalawang bagay na hindi naman pantay? Tama ba na ikumpara ang mga babae sa isang inuman lamang?



7. Produkto: Sprite

Ang komersyal naman na ito ay tugmang tugma sa panahon ngayon dahil napakainit. Pinapakita dito ang grupo ng mga lalaki na uhaw na uhaw at nakakita sila ng Sprite. SIla ay uminom at habang umiinom ay may dumaan na bus na may sakay na mga kababaihan. Ito ay kanilang hinabol at tumalon sa loob. Pagkatapos ng mga “scene” ay nilagay ang mga katagang “FREEDOM FROM THIRST”. Kung sa mga normal na tao na hindi masyadong iniisip ang totoong kahulugaan o hindi masyadong nag-aanalisa sa mga bagay ay hindi nila ito mapapansin, ngunit tila dalawang ang ibig sabihin sa komersyal na ito, hindi lang literal na UHAW ang ibig iparating ng pag-aanunsyo na ito.

8. Product: Dolfenal

Ang komersyal na ito marahil ang pinaka-nagpapakita ng diskriminasyon laban sa mga kababaihan sa ating lipunan. Ang bidyo ang nagsimula sa isang highway kung saan ay traffic, busina ng busina ang mga draybers sa isang nagbabagal na sasakyan, nang makita ng isang lalaking drayber ng isang babae ang nagdadrayb ng kotse ay sinabi niya na “KAYA PALA”.

Dahil nga sa mga hindi namamalayan na mga epekto ng mga ads ay iba na ang tingin ng mga tao sa mga kababaehan. Mas mababa ang katayuan nila sa lipunan. Dahil ba babae na ay hindi na kasing bilis magmaneho ng mga lalaking draybers?



9. Produkto: Ponds
Ang anunsyong ito na nagpalabas ng apat na pangyayari ukol sa isang lalaki at babae na dating magkasintahan. Napagpalit na nun lalaki ang babae sa kadahilanan na hindi na siya nagagandahan sa babae. Nang magkita sila muli ay muli na siyang napa-ibig sa babae at nakipag hiwalay sa kanyang kasintahan. Binalikan siya ng lalaki dahil parang pumuti ang babae at gumanda pa lalo.
Hindi mapagkakaila na ang lalaki ay mapili sa babae. Pag nakasawaan na niya ito ay basta-basta na lang niya iiwanan ang babae. Ganito na ba ang panahon ngayon? Maganda naman talaga ang abbae sa anunsyong ito. Para naman hindi pa sapat ang kagandahan iyon sa lalaki. Pinapababa ng anunsyong ito ang kumpiyansa sa sarili ng isang babae.



10. Produkto: Tanduay
Kadalasang mga babae ang nagiging modelo ng mga alak. Mga babaeng halos kita na ang mga puri at mga maliit na saplot lng ang nagtatakip sa mga pribadong parte ng mga katawan ng mga nagbibida sa mga komersyal na ganito. At sa anunsyong nakapaskil sa isang billboard noon sa EDSA ay nakasaad ang linyang “ NAKATIKIM KA NA BA NG KINSE ANYOS?”. Alam naman natin na ang nasabing linya ay may gusting ipabatid higit pa sa linya mismo. Ito’y tumutukoy sa alak na 15 anyos at mga babaeng kasing edad nito. Pwedeng maglaro sa isip ng mga makakabasa ng billboard na ito ay babaeng kinse anyos ay kanilang tinitikman habang umiinom ng alak. Ang mga batang mga babae ay naalipusta ng walang kalaban- laban.



Kongklusyon at Rekomendasyon
1.Sa pag-aanunsyo, maging maingat sa lahat ng panahon sa paglalarawan ng katotohanan sa kanilang pag-aanunsyo at mga representasyon sa madla.

2.Kailangang magpakita ng pag-iingat at katapatan sa alinmang pag-aanunsyo o iba pang pagiging kinatawan na pampubliko o pribado upang ang sinumang partido na interesadong makatanggap o makinabang sa anumang paraan mula sa pag-aalok ng produkto.

3. Hindi maikakaila ang maraming 'di kanais-nais na epekto, hindi lang sa pagiisip ng iba tao tungkol sa mga kababaihan, ngunit maging sa pagkatao ng mga indibidwal.

4. Ang mga mga maling paraan ng pag-aanunsyo ay nagbubunga rin ng pagbaba ng tingin ng mga indibidwal sa pagkatao ng mga kababaihan.


Sa natalakay na paksa, may mga ilang bagay na napatunayan ang mga mananaliksik na labis na makakatulong sa pag ganap sa tungkulin ng isang mabuting taga-anunsiyo at isang masiyasat na tumatangkilik sa mga produktong inaanunsyo:

Taga-anunsiyo:

  • Dapat ay maging sensitibo sa mga mensaheng ipinapaloob sa kanilang anunsiyo.
  • Dapat ay iwasan ang mga kataga o salitang nagkakaroon ng ibang kahulugan liban pa sa mga gustong "i-convey" nito na kadalasang nagbibigay ng dalawang kahulugan at nagiging sanhi ng maling pagkakaintndi o maling interpretasyon sa napanood na anunsiyo.
  • Dapat ay maging maingat sa lahat ng panahon sa mga ideyang ipinapaloob sa isang anunsyo.

Sa mga taga-tangkilik:

1. Suriing mabuti ang mga napapanood na anunsyo.

2. Huwag lamang tanggap ng tanggap sa mga ideya na nakapaloob sa mga napapanood na komersyal.

2. Patnubayan ang mga bata sa panunuod ng telebisyon upang maiwasan ang maling konsepto na maaaring magpalito sa mga murang kaisipan ng mga kabataan.


Posted by rolling eyes team @ 5:43 PM :: (2) comments

Litrato

Mga Sangunian

Author Feliciano, Gloria D. Title Philippine mass media in perspective. Publication info. Quezon City : Capitol, 1967. Author Torres, Carolina B. Title TV viewers' attitudes and responses to 10-seconder ads of ABS-CBN during programming / Carolina B. Torres. Publication info. Manila : UST Graduate School, 2007. Amendments: 2007 Code of Ethics on Philippine Advertising www.adboard.com.ph/gallery/2007_Code_of_Ethics.pdf